Thursday, September 11, 2008

CBA council chair, tinanggal sa pwesto

(published in Philippine Collegian on September 11, 2008)
by Richard Jacob Dy

Tinanggal sa pwesto ang tagapangulo ng Business Administration Council (BAC) matapos katigan ng mayorya ng konseho na sapat ang ebidensiya patungkol sa kanyang maling paghawak ng pondo ng konseho.

Labing pitong kasapi ng BAC na dumalo sa pagpupulong noong Agosto 21 ang bumoto upang paalisin sa panunungkulan si Juan Miguel Martin Tirona, habang dalawa ang bumoto ng abstain. Tatlong miyembro ng BAC ang hindi nakadalo sa pulong.

Sa inihaing mosyon noong Agosto 12 na nilagdaan ng 10 konsehal ng BAC, sinampahan ng BAC ng kasong impeachment si Tirona dahil sa pagpapabaya sa tungkulin bilang tagapangulo ng BAC at maling paghawak sa pondo ng konseho at Executive Council (ExeCoun) ng mga organisasyong nakabase sa kolehiyo. Ayon sa mosyon, wala umanong kakayahan si Tirona na pamunuan ang konseho at binahiran niya ang integridad nito.

Binigyan ng BAC si Tirona ng isang linggo mula noong Agosto 21 upang magpasa ng pormal na apela para ipawalang-bisa ang naunang desisyon ng mayorya, ngunit hindi nagbigay ng apela si Tirona, ani Patricia Ann Rodriguez, councilor for external affairs.

Sa panayam sa Collegian, ani Tirona, hindi na umano kinakailangang umapela dahil inosente siya at hindi niya kinikilala ang proseso ng impeachment.

Ayon kay Student Regent Shahana Abdulwahid, sa pagbibigay ni Tirona ng kanyang pahayag laban sa mga nilaman ng mosyon para sa pagpapatalsik sa kanya, kinilala na rin ni Tirona ang proseso.

Maling paghawak ng pondo

"[Tirona] has been mismanaging the funds and finances of BAC and ExeCoun without clear and informed knowledge and consent of the Vice Chairperson, also convener of the ExeCoun, the Councilor for Finance, and the members of the ExeCoun," saad ng mosyon.

Ayon sa konstitusyon ng BAC, ang councilor for finance ang magtatakda ng sistema ng pamamahala sa pondo ng konseho, batay sa pag-ayon ng tagapangulo at pangalawang tagapangulo. Sa kasalukuyang konseho, itinalaga si Tirona bilang tagahawak ng pondo.

Ipinagkatiwala kay Tirona ang kabuuang P123,000, na ang P80,000 ay galing sa BAC Fund at ang 43,000 sa ExeCoun. Sa kabuuang pondo, P93,000 ang cash-on-hand.

Batay sa mosyon, hindi umano naipaliwanag ni Tirona sa pulong ng BAC noong Agosto 7 kung saan napunta ang mahigit P8,000 na pondong inilaan para sa Bacbacan, isang palaro ng kolehiyo. Ayon pa sa mosyon, "In reviewing the said cash flow statements, councilor for operations and for finance noted further discrepancies and unwarranted expenses for events even prior to Bacbacan."

Nang makapagsumite si Tirona ng financial statement ng konseho, pinuna ng mga miyembro ng BAC na "the cash-on-hand has been depleted to P6,000 from an initial amount of P93,000."

Nilabag din umano ni Tirona ang konstitusyon ng BAC matapos niyang gamitin nang walang pahintulot ng mga miyembro ng ExeCoun ang pondo para sa mga proyekto ng BAC at ilipat ang restricted cash-in-bank ng BAC patunong ExeCoun, ayon sa mosyon.

Hindi makausad ang konseho

Hanggang ngayon, ani Rodriguez, hindi pa rin umano ibinabalik ni Tirona ang pondo ng konseho, Aniya, nag-aambag na lamang ang mga miyembro ng BAC upang maipagpatuloy ang mga proyekto nito.

Ani Abdulwahid, hanggang hindi ibinabalik ang pondo ng BAC, hindi lamang ang konseho ang maaapektuhan kung hindi ang mga mag-aaral ng kolehiyo.

Ngunit, ani Tirona, "I am willing to fund the projects but not give them all the money, because I am still questioning the validity of the impeachment process."

Bukod sa maling pamamanihala ng pondo ng BAC, bigo rin umano si Tirona na bigyan ng solusyon ang mga problema sa loob ng konseho na bunga ng kawalan niya ng kakayahang mamuno, ani Rodriguez.

Panghihimasok ng administrayon

Sumulat naman noong Agosto 28 si Tirona kay CBA Dean Erlinda Echanis upang hinging magsagawa ang administrasyon ng pormal na imbestigasyon ukol sa isinagawang impeachment ng BAC.

Bagaman nagbaba na ng desisyon ang konseho, ani Kalihim Manuel Manuel III ng CBA, na tagapayo rin ng BAC, hindi pa rin umano nareresolba ang isyu. Ihahain ng administrasyon ang pagpayag nila sa hiling ni Tirona sa Setyembre 10.

Ani Rodriguez, nauna nang sinabi ng administrasyon ng CBA na wasto ang proseso ng impeachment kay Tirona. Dagdag niya, sinunod nila ang mga nasa kanilang konstitusyon na hindi naman nagsaad na kailangan ang administrasyon sa impeachment.

Type rest of the post here

0 comments: