Mariing tinututulan ng unyon ng mga kawani ng UP ang panghihimasok umano ng administrasyon sa pagbalangkas ng alituntunin sa pagpili ng staff regent.
.
Alinsunod sa bagong UP Charter, magsisilbi ang staff regent sa loob ng dalawang taon sa Board of Regents (BOR), ang pinakamataas na tagagawa ng palisiya ng pamantasan. Siya ang magiging kinatawan ng halos 8,000 kawaning administratibo at 1,500 na research, extension at professional staff (REPS) sa BOR.
.
Ani Noli Anoos, pambansang tagapangulo ng All-UP Workers' Union (AUPWU), inatasan umano ng administrasyon ang bawat chancellor na magtalaga ng komite, na binubuo ng REPS at kawaning administratibo, na magtatakda ng patakaran sa pagpili ng staff regent sa pagpupulong ng Presidential Advisory Council noong Oktubre 13.
.
Ayon sa charter, tanging "duly recognized organizations" ng REPS at kawaning administratibo lamang ang magbabalangkas ng patakaran sa proseso.
.
Sinabi ni Anoos na ipinanukala ng administrasyon na maaaring magmula ang mahahalal na staff regent sa lahat ng yunit ng UP maliban sa Diliman, dahil dito rin magmumula ang susunod na faculty regent.
.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pa ring komento si UP President Emerlinda Roman.
.
Ayon kay Anoos, ipinaliwanag ni Roman sa pulong ng PAC na paiiralin umano ang alituntunin na ginawa ng komite sa bawat yunit kung saan magmumula ang nominasyon para sa posisyon. Taliwas umano ito sa nais ng unyon na bumuo ng pinag-isang patakaran na iminungkahi nito sa administrasyon ng bawat yunit, aniya.
.
Kinundena naman ni Anoos ang hindi pagkilala sa AUPWU upang gumawa ng unified rules bagaman sila ang "sole and exclusive bargaining unit" na siyang nararapat kumatawan sa mga usaping pangkawaning administratibo at REPS.
.
Sa panukalang unified rules ng AUPWU, magsasagawa ng dalawang nominasyon kung saan tatanggap ng nominasyon sa lahat ng yunit at pipili ng limang kandidato na maglalaban sa huli. Bubuo ng commission on elections na mamamahala ng halalan.
.
Ilang kwalipikasyong iminungkahi ng All-UP Workers' Alliance (AUPWA) ang pagiging aktibong miyembro ng AUPWA nang hindi bababa sa tatlong taon, hindi nahatulan ng kasong administratibo at hindi hihigit sa 63 taong gulang. Nararapat ding makapasa ang mga nominado sa performance evaluation ng alyansa, ayon sa panukala.
.
by Richard Jacob Dy
published in Philippine Collegian on November 12, 2008



0 comments:
Post a Comment