Pagluwas at pangangarap
Mga OFW sa panahon ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya
Ni Richard Jacob Dy
.
Mula sa ibang bansa, lumalapag ang mga Pilipinong nakipagsapalaran, sinasalubong ng yakap ng kanilang kamag-anakan. Mula sa ibayong dagat, gumagaod pabalik ang mga nawalan ng kabuhayan, sawi pa ring makakalag sa tanikala ng kahirapan.
.
Ayon sa Ibon Foundation, isang grupo ng mga tagapagsaliksik, isa sa bawat walong Pilipino ang nagsisilbi bilang overseas Filipino worker (OFW) at nanganganib na maapektuhan ng krisis sa ekonomiya ngayong taon.
.
Ayon sa Migrante International, alyansa ng mga organisasyon ng mga OFW, tinatayang 100,000 ang pauuwiin ngayong taon dahil sa laganap na resesyon na ayon sa Ibon ay dulot ng pagbubukas ng humigit-kumulang 80 porsyento ng ekonomiya ng bansa sa pandaigdigang merkado.
.
Sa kabila nito, ani Sonny Africa, punong tagapagsaliksik ng Ibon, maglalabas pa rin ang bansa ng mahigit isang milyong Pilipino o 3,500 kada araw tungo sa ibang bansa ngayong 2009. “This is giving displaced OFWs false hopes that they will be able to find jobs amid the global turmoil,” aniya.
.
“OFWs will likely suffer longer working hours, deterioration in working conditions, suspended benefits, wage freezes or pay cuts. Migrants will also suffer greater racism and discrimination as they get blamed for stealing jobs…,” ayon sa Ibon.
.
Hindi naman natutugunan ng pamahalaan ang problema ng mga OFW sa gitna ng resesyon, kahit mahigit 10 porsyento ng kabuuang kita ng bansa ang nanggagaling sa remittance ng mga OFW, ani Africa.
.
Dagdag ni Gary Martinez, tagapangulo ng Migrante, wala umanong mabisang solusyon ang pamahalaan dahil kahit walang resesyon, hindi pa rin nito natutugunan ang mga isyu tulad ng paglabag sa karapatang-pantao ng mga OFW.
.
Paglabag sa karapatang-pantao
Sa ngayon, mahigit 1,000 kaso ng paglabag sa karapatang-pantao ng mga OFW ang taunang hinahawakan ng Migrante. Sa kanilang pagtatala hanggang Disyembre 2008, mahigit 40 OFW ang nakahanay upang bitayin sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Silangan, ani Martinez.
.
Dagdag niya, halos 6 hanggang 10 bangkay ang iniuuwi bawat araw, at tinatayang 21 kaso ng pagkamatay ng mga OFW ang hindi pa rin nareresolba hanggang sa ngayon.
.
Ayon kay sociology professor Gianne Sabio, ang Pilipinas lamang ang may batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga migranteng manggagawa, ngunit suliranin umano sa implementasyon ang kawalang-katiyakang pagpapairal nito sa mga bansang pinagsisilbihan ng mga OFW.
.
Ani Martinez, “Ang pamahalaan mismo ang may kapasidad upang kuwestiyunin ang mga awtoridad sa ibang bansa. Ngunit, ang ginagawa ng pamahalaan sa ngayon, tinatanong ang pamilya kung may sapat silang pera upang kumuha ng abogado.”
.
Ani Bayan Muna representative Satur Ocampo sa isang pahayag, “The Department of Foreign Affairs cites the particularly distressing situation of Filipinos incarcerated in the Middle East to the lack of access to Shariah lawyers.”
.
Si Eugenia, mula sa Saudi
Kabilang si Eugenia, namatay sa edad na 24 sa Saudi Arabia, sa mga nakaranas ng paglabag ng mga karapatan sa kamay ng amo.
.
Ayon sa kanyang kapatid na si Lilibeth Garcia, bagaman malinaw umanong lapnos ang mga daliri ni Eugenia, may malalaking pasa, nayuping bungo at may bakas ng pagkaladkad sa mga paa, lumabas sa ulat ng awtopsiya ng embahada ng Pilipinas na sinubukan ni Eugenia na patayin ang sarili at na mayroon siyang sakit sa puso.
.
Dagdag ni Lilibeth, “Sa resulta ng [awtopsiya], ang kapatid ko pa ang lumabas na may kasalanan. Kasalanan niya raw dahil nagbuhos siya ng Clorox sa kamay. Nagbasag [umano] siya ng baso at ipinukpok niya ito sa kanyang ulo... Kasalanan din daw niyang hindi siya nakakain sa loob ng 35 araw,” ani Garcia.
.
Pangarap sana ni Eugenia na maging nars o makapag-aral ng kompyuter sa Tagbilaran, ani Garcia. “Gusto niya kasi magkaroon kami ng sariling kalabaw at lupain sa Bohol.”
.
Pakikipagsapalaran
Ngunit sa kabila ng sinapit ng kanyang kapatid, ani Garcia, hindi umano niya pipigilan ang sino man sa kanyang pamilya na mangibang-bansa rin, dahil sa narararanasan nilang kahirapan sa kasalukuyan.
.
“This is a symptom of a larger problem we have in our country, kasi hindi naman lalabas ang mga taong ito if the government can supply their needs…” ani Sabio.
.
Sa 10 milyong OFW, tinatayang 3 milyon ang iligal na nakapagtatrabaho sa ibang bansa, dagdag ni Martinez. Aniya, “Umaalis ang mga OFW nang ligal, ngunit ang nangyayari sa iba, kung may contract violation o inaapi sila, tumatakas sila at automatically, nagiging undocumented.”
.
Dagdag ni sociology professor Ria Jumaquio, “Dapat ipakita rin natin na ang pagiging OFW ay hindi lamang puro ganda, saya at tagumpay.”
.
Ani Martinez, ayon umano sa tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), wasak o dumaranas ng matitinding suliranin sa pamilya ang dalawa sa bawat sampung pamilya ng mga OFW.
.
Pagpapauwi sa Pilipinas
Ayon kay Martinez, habang isinusulat ang balitang ito, halos 11,000 mga OFW mula sa isang casino sa Macao ang nanganganib na mapauwi anumang oras dahil sa pagbabawas ng kumpanya ng mga manggagawa.
.
Batay sa tala ng Migrante hanggang Enero 21 ngayong taon, mahigit 4,000 na ang napauwing mga OFW mula sa Taiwan, isa sa mga bansang pinakamatinding maaapektuhan ng krisis sa ekonomiya sa Asya, ani Martinez.
.
Kabilang sa mga napauwi si Airah na hindi pa rin makapaniwala hanggang ngayon na napauwi siya matapos lamang ang tatlong buwan niyang pagsisilbi sa Taiwan mula noong Hulyo ng nakaraang taon.
.
Umabot ng mahigit P100,000 ang hiniram ni Airah upang ipambayad sa isang ahensiya para sa kanyang placement fee, taliwas sa minimum salary ng Taiwan na NT 18,000 o tinatayang P24,000, na siyang pamantayan sa pagbabayad ng placement fee, alinsunod sa batas hinggil sa proteksyon ng mga OFW.
.
Mula sa kinitang NT18,000 ni Airah sa kaniyang unang buwang pagiging machine encoder, kinaltasan ito ng kumpanya ng NT1,800 para sa medical check-up at NT4,000 para sa dormitoryo. Kasalukuyang walang trabaho si Airah, at kulang P50,000 ang kailangan niyang bayaran sa mga hiniraman niya ng pera. “Nahihirapan na ako dahil hindi ko alam kung saan [ako] kukuha ng pambayad.”
.
Kita ng pamahalaan
Ani Martinez, naisasakripisyo ang kalagayan ng mga OFW sa pag-anunsiyo na marami pang trabaho sa ibang bansa, taliwas sa totoong nagaganap, habang patuloy na kumikita ang pamahalaan sa labor export policy nito.
.
Ayon sa Migrante, kumikita ang gobyerno ng halos P17 bilyon kada taon mula sa bayarin para sa kakailanganing mga dokumento ng mga nais mangibang-bansa. Kabilang dito ang sedula, pasaporte, National Bureau of Investigation clearance, katibayan ng kapanganakan, at mga babayaran sa pagdaan sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at OWWA.
.
Pumapalo naman sa tinatayang P62 milyon kada buwan ang nakukuha ng gobyerno mula sa documentary stamp tax o 0.15 porsyento ng mahigit $14 bilyong mga remittance ng mga OFW, saad ni Martinez, batay sa taya ng POEA at Department of Finance.
.
Ani Africa, nanggagaling sa Estados Unidos, Japan at European Union, na pawang dumaranas ng matinding krisis-pampinansiya sa ngayon, ang halos 80 porsyento ng mga remittance ng mga OFW.
.
Hungkag na mga solusyon
Bagaman maglalabas umano ang pamahalaan ng P1 bilyong safety net o suporta para sa mga mawawalan ng trabaho ngayong 2009, ani Martinez, hindi ito sapat upang ipansimula o kahit ipantustos man lang sa inutang ng mga katulad ni Airah upang makaalis ng bansa.
.
“Kung ‘yung P1 bilyon piso ang ilalaan sa 100,000 retrenched OFWs, tig-10,000 lang ang matatanggap ng bawat isa. Hindi pa ‘yan sigurado dahil kasama diyan ang mga mawawalan ng trabaho locally. Kaya itinuturing naming lip service ito,” ani Martinez.
.
Maglalabas rin umano, ani Martinez, ng P250 milyon ang OWWA para sa livelihood program ng mga mapapauwing OFW. “Maraming sinasabi [ang pamahalaan] ngunit hanggang ngayon, wala naman talagang maliwanag na solusyon dahil hindi rin nila sinabi na makatatanggap ang mga OFW ng cash.”
.
Saad ni Martinez, gagamitin lamang umano ang pera upang pondohan ang mga programang magsasanay sa mga OFW sa teknikal na mga bokasyon sa Technical Education and Skills Development Authority.
.
Pangmatagalang solusyon
Sa laki ng salaping inaangkat ng mga OFW para sa ekonomiya ng bansa, ani Martinez, sapat na ito upang makapagtayo ang pamahalaan ng isang industriya at maipatupad ang mabisang repormang agraryo. Paliwanag ni Africa, ang mga ito ang pangmatagalang solusyon upang maibsan ang epekto ng krisis sa ekonomiya.
.
Dagdag ni Africa, kailangang dagdagan ang mga batayang serbisyo, tigilan ang pagbabayad ng pamahalaan sa mga hindi umano lehitimong utang ng bansa sa mga institusyong pampinansiya, tanggalin ang value added tax sa mga produkto at dagdagan ang sahod ng mga manggagawa.
.
Mahigit 5 porsyento ang itinaas ng daily minimum wage mula 2001 patungong P382 sa nakaraang taon sa National Capital Region, malayo sa halos 14 porsyentong pagtaas ng presyo ng mga bilihin at 30 porsyentong pagtaas ng presyo ng bigas, ayon sa Ibon.
.
Sa tala ng Ibon, nakatakdang tumaas ang bilang ng mga walang trabaho ng halos 400,000 Pilipino patungong 11 milyon ngayong 2009, mula sa mahigit 10 milyong walang trabaho sa nakaraang taon. Noong 2008, tinatayang 500,000 trabaho lamang ang nalikha para sa halos 950,000 na naghahanap ng trabaho, ayon sa Ibon factbook.
.
“May responsibilidad ang gobyernong mabigyan ng disenteng kabuhayan ang mga Pilipino. Subalit naipagkait ito sa amin kaya napupuwersa kaming lumabas ng bansa. Ito rin naman ang pinagkaugatan kung bakit nag-aabroad ang mamamayan,” ani Martinez.#
.
(Naunang nailathala sa Philippine Collegian.)

1 comments:
magkano ba nakukuha ng pamahalaan sa pondo ng pilipinas/
Post a Comment