Monday, June 1, 2009

1 sa bawat 5 kolehiyo, nais magtaas ng matrikula; Tuition moratorium, iginigiit ng mga estudyante

1 sa bawat 5 kolehiyo, nais magtaas ng matrikula
Tuition moratorium, iginigiit ng mga estudyante
ni Richard Jacob Dy
.
(Naunang inilimbag ang balitang ito sa isyu 27 ng Philippine Collegian noong 5 Marso 2009.)
.
Tinatayang isa sa bawat limang kolehiyo sa bansa ang naghain ng aplikasyon sa Commission on Higher Education (CHED) upang magtaas ng hanggang 20 porsyento sa matrikula ngayong taon.
.
Bagaman mas mababa ng kalahati kaysa nakaraang taon ang bilang ng mga naghain ng aplikasyon sa mahigit 1,700 kolehiyo sa bansa, ani Vanessa Faye Bolibol, tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) National Capital Region (NCR), madalas na nadaragdagan pa ang mga nagtataas sa pasukan dahil sa kakulangan nang maayos na pagbabantay ng CHED.
.
Batay sa dokumento mula sa CHED, mahigit P850 ang average na halaga ng kada yunit sa matrikula sa NCR ngayong taon, samantalang mahigit P400 ang average sa buong bansa. Dagdag ni Bolibol, binabawi ng ibang mga paaralan sa kita sa laboratory at miscellaneous fees ang hindi nila pagtataas ng matrikula.
.
Saad ni CHED Deputy Executive Director Julito Vitriolo sa Collegian, nakiusap ang komisyon sa pamamagitan ng memorandum noong Pebrero 5 na itigil ang pagtataas ng matrikula dahil sa krisis pang-ekonomiya. Ngunit, aniya, aaprubahan pa rin ng CHED ang mga aplikasyon kung sapat ang konsultasyon at ang iba pang kahingian gaya ng financial statements.
.
Saad ni Bolibol, nananatiling “walang ngipin” ang memorandum ng CHED sapagkat hindi pinagbabawalan ng batas ang komisyon na iutos ang pagpapaliban ng pagtataas ng matrikula.
.
Dulot ng krisis sa ekonomiya?
Ayon kay Vitriolo, ang pagtataas ng matrikula ay dulot ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya, lumalaking inflation rate at pangangailangan ng de-kalidad na edukasyon sa bansa.
.
Ngunit saad sa Collegian ni Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation Inc., sinisikap lamang ng mga paaralan na bawiin ang pagbagsak ng kanilang puhunan at pagbaba ng enrolment sa pamamagitan ng pagtataas ng matrikula.
.
Aniya, numero lamang ang inflation rate at maaaring walang kinalaman sa gastusin ng mga paaralan. “[Dapat] ipaliwanag ng mga eskuwelahan ang aktwal na paglaki sa gastusin imbes na bumatay sa inflation rate,” ani Africa.
.
Batay sa tala ng NUSP, kabilang sa mga institusyong pantersaryang nais magtaas ng matrikula ngayong taon ang University of the East, Far Eastern University, San Juan de Letran College, Philippine School of Business Administration, San Beda College at University of Santo Tomas.
.
Saad ni Bolibol, kahingian man ng CHED, walang “komprehensibong konsultasyon” at hindi ipinapaalam ng ilang administrasyon sa mga estudyante nito ang halaga ng pagtaas sa matrikula gaya sa Technological Institute of the Philippines, Jose Rizal University at Philippine Maritime Institute.
.
Suporta sa tuition moratorium
Isang araw bago ang palugit sa pagpasa ng aplikasyon sa pagtataas ng matrikula noong Pebrero 27, nagmartsa ang tinatayang 200 estudyante sa labas ng opisina ng CHED sa C.P. Garcia Street sa UP Diliman upang igiit ang agarang pagpasa ng tuition moratorium bill na nakabinbin sa Committee on Higher and Technical Education sa Mababang Kapulungan simula noong 2008.
.
Layon ng panukalang batas ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang pagpapaliban ng pagtataas ng matrikula sa loob ng tatlong taon. Saad ni Casiño sa isang panayam, “Ayaw nating mangyari na dahil sa krisis sa ekonomiya, papatigilin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pag-aaral.”
.
Kabilang si Aya, nasa ikaapat na antas sa Araullo High School, sa mga nagprotesta sa harap ng CHED. Maaaring hindi siya makatuloy sa kolehiyo dahil sa kawalan ng trabaho ng kanyang ama at sa pagtataas ng matrikula sa pasukan.
.
Para kay Vitriolo, hindi solusyon ang tuition moratorium bill sapagkat isa umano itong “pagkitil sa karapatan ng mga private sector.”
.
Ngunit ani Bolibol, malaon nang suliranin ang umiiral na mga palisiyang nagpapahintulot sa mga paaralan na magsamantala sa pagtataas ng matrikula. Kabilang aniya rito ang CHED memo 13 ng 1998 na nagpapahintulot na magtaas ng miscellaneous fees kahit walang konsultasyon at ng matrikula ng walang takdang halaga.
.
Nagmamahal na batayang edukasyon
Kasabay ng pagtataas ng matrikula sa iba’t ibang kolehiyo, tinataya namang 150 pampribadong elementary at secondary na mga paaralan ang humiling sa Department of Education (DepEd) na magtaas ng matrikula ng hanggang 15 porsyento, ani Alvin Peters, pambansang tagapangulo ng NUSP.
.
Kabilang sa maaapektuhan si Ian, second year highschool at honor student sa Roosevelt College Cubao, na balak ilipat ng kanyang magulang sa pampublikong paaralan bunsod ng panukalang karagdagang P3,000 sa kanyang matrikula.
.
Sa pinakahuling ulat ng DepEd, tatlo sa sampung estudyante sa high school ang hindi nakapagtatapos ng pag-aaral. Anang tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers Antonio Tinio, isa lamang sa bawat limang nakapagtatapos ng highschool ang tumutuloy sa kolehiyo.
.
Ani Africa, “Sa pagkawala ng trabaho at pagbagsak ng kita, lalong mahihirapan ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak. Matindi ang magiging epekto ng krisis sa edukasyon ng ating mga kabataan at lalong titingkad ang pinakamasasamang aspeto ng sistema ng edukasyon ng bansa.”
.
Karagdagang subsidyo
Saad ni Casiño, dapat magtabi ng subsidyo ang pamahalaan para sa pagpapatupad ng tuition moratorium mula sa P330 bilyong stimulus package na pondo ng pamahalaan upang ibsan ang krisis sa ekonomiya.
.
Kailangang maglaan ang pamahalaan ng katumbas ng anim na porsyento ng panloob na kita ng bansa, na pamantayan din ng United Nations, para sa kabuuang sektor ng edukasyon mula sa kasalukuyang mahigit dalawang porsyento lamang, ani Bolibol.
.
“Dapat libre ang edukasyon at ito ang pangunahing isyu, kaya sa ganitong batayan, ang anumang pagtataas ng matrikula ay hindi katanggap-tanggap,” saad ni Africa. May ulat mula kina Katherine Elona at Marjohara Tucay #

0 comments: