Monday, June 1, 2009

Mga nagsipagtapos, hinamon na maglingkod sa bayan

Sa gitna ng krisis sa ekonomiya
Mga nagsipagtapos, hinamon na maglingkod sa bayan
ni Richard Jacob Dy
.

(Naunang inilimbag ang balitang ito sa isyu 30-31 ng Philippine Collegian noong 14 Mayo 2009.)
.
Sa gitna ng kakulangan ng mapapasukang trabaho sa bansa dulot ng krisis pang-ekonomiya, patuloy ang panawagan sa mga nagsipagtapos sa UP na manatili sa kanilang bayan at pagsilbihan ang mamamayan.
.
Tinatayang 3,800 ang nagsipagtapos sa sertipiko, di-gradwado at gradwadong antas sa ika-98 pangkalahatang pagtatapos sa UP Diliman (UPD) noong Abril 26.
.
Habang inaawit ang UP Naming Mahal, halos 40 estudyanteng nagsipagtapos ang nagprotesta upang igiit na sa halip na baguhin ng pamahalaan ang Saligang Batas, dapat nitong solusyonan ang mga problema sa sektor ng edukasyon at kawalan ng mapapasukang trabaho para sa mga nagsipagtapos dulot ng kasalukuyang pandaigdigang krisis-pampinansya.
.
Dagdag ni Jemimah Garcia, nagtapos ng kursong peryodismo at kabilang sa mga nanawagan, mahigit 900,000 ang magsisipagtapos ng kolehiyo sa bansa ngayong taon at maaaring makadagdag sa halos kalahating milyong nakapagtapos ng kolehiyo na wala pa ring trabaho at 12 milyong walang kabuhayan sa bansa.
.
Sa kabila nito, hinamon ng grupo ang mga nagsipagtapos na maglingkod pa rin sa bayan. Ani Julliane Agpalo, miyembro ng Kabataan party-list, sa isang pahayag, “We owe our education to the Filipino people… Let us return the favor by wholeheartedly serving [the Filipino’s] interests, especially at times of crisis.”
.
Magsilbi sa bayan
Binatikos naman ni Virgilio Almario, national artist at panauhing pandangal, ang mga kolehiyong naghahangad lamang ng karangalan at mataas na suweldo para sa kanilang mga estudyante. Aniya, “Sa ganitong oryentasyon, hagdan lamang lagi ang edukasyon para mangibang-bansa. O para yumaman kahit maging magnanakaw o kahit mang-api ng kapwa Filipino.”
.
Pangarap din niyang maitatag sa bansa ang edukasyong nakabatay at nakasentro sa kulturang Pilipino. “Nag-aaral ang lahat at nagiging espesyalista sa iba’t ibang disiplina ngunit pinag-iisip kung paanong ang bawat isa ay magsisilbi sa kapakanan [ng kapwa] Filipino,” ani Almario.
.
Samantala, ani Joseph Jeeben Segui, nagtapos ng kursong mathematics na may general weighted average (GWA) na 1.173 at nagtalumpati para sa mga nagsipagtapos, dapat umanong baguhin ang pagiging mapanlamang ng mga Pilipino. Aniya, “We must constantly remind ourselves that our personal gain is picayune compared to the nation’s interest.”
.
Si Scott Riley Ong, nagtapos ng kursong biology, ang nagkamit ng pinakamataas na GWA ngayong taon na umabot sa 1.036.
.
Pinarangalan ng pinakamataas na pagkilala ang 18 estudyanteng nagsipagtapos na summa cum laude o may GWA na 1.20 pataas. Nagtapos ang 192 estudyante ng magna cum laude o may GWA na hanggang 1.45, habang 810 ang cum laude o may GWA na hindi bababa sa 1.75.#

0 comments: