Technology business incubator, bubuksan na
nina Mini Soriano at Richard Jacob Dy
.
(Naunang inilimbag ang balitang ito sa isyu 28-29 ng Philippine Collegian noong 20 Marso 2009.)
.
Inaasahang pasinayaan sa Abril ang ikatlong Science and Technology (S&T) park sa UP Diliman na magpapaupa sa mga nagsisimulang negosyo sa information and communication technology (ICT) at electronics.
.
Ani Vice Chancellor for Research and Development (VCRD) Luis Sison, bukod sa karagdagang trabaho at paglalaan ng espasyo sa mga nagsisimulang negosyo, layon ng Open Technology Business Incubator (TBI) na maging daan para sa karagdagang S&T parks sa UP at sa bansa.
.
Ngunit ani Airah Cadiogan, vice chair ng University Student Council, “It's perfectly in line with the UP administration's priority to use the academe through [research and development] (R&D) to generate income from the commercial entities which in return gain access to UP students' [researches].”
.
Saad ni Peter Antonio Banzon, division chief ng Advance Science and Technology Institute (ASTI) sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST), nasimulan na ang pagtatayo ng mga pundasyon para sa TBI sa may 4,000 square meters na inuupahang lupa malapit sa C.P. Garcia Avenue.
.
Magbibigay ng teknikal at pinansyal na suporta ang ASTI at Technology Resource Center (TRC) ng DOST, habang ipauupa naman ng UP ang lupain nito.
.
Ani Cadiogan, nakasaad sa bagong Charter na bibigyang daan ng UP ang pagpasok ng mga akademikong pananaliksik na may potensyal na magamit sa komersyo kaya nais magpatayo ng maraming S&T Parks sa unibersidad.
.
Benepisyo sa kumpanya
Kasalukuyang pinoproseso sa Philippine Economic Zone Authority ang akreditasyon ng Open TBI upang mapabilang sa special economic zone (SEZ) na magbibigay ng mga benepisyo sa mga negosyo gaya ng tax incentive. Nauna nang napabilang sa SEZ ang TechnoHub na pinamamahalaan ng Ayala Land, Inc. (ALI) at South S&T park ng Ayala Foundation, Inc.
.
“Students, faculty, and staff will get technical and financial assistance in the TBI...as it may be engaged in research and development collaboration with university personnel and also hire the university's graduates,” ani Sison.
.
Ngunit ani Cadiogan, nais mang tugunan ng TBI ang pagpapaunlad ng research and development (R&D) sa pamantasan, nananatiling income generation ang prayoridad sa pagtatayo ng mga proyekto sa R&D.
.
Batay sa pag-aaral ng opisina ng VCRD, mahigit P2.5 milyon ang kinita ng pamantasan mula sa Ayala South Park noong 2006 at 2007 at mahigit P4 bilyon naman ang tinatayang makukuha ng pamantasan sa loob ng 25 taong pag-upa ng ALI sa lupain sa Commonweath.
.
Tunay na pangangailangan
Ani Student Regent Shahana Abdulwahid, mas mainam na paglaanan ng pansin ng administrasyon ng UP ang pangunahing mga pangangailangan ng mga mag-aaral gaya ng karagdagang pasilidad sa mga dormitoryo.
.
Ayon kay Banzon, maliban sa mga pangunahing kumpanyang pahihintulutang umupa sa ikatlong S&T park, “the TBI itself will have a coffeeshop, multimedia conferencing rooms, and a gym.”
.
Tumanggi naman si Banzon na magsabi kung magkano ang makukuha ng pamantasan mula sa pagpapaupa sa TBI. Aniya, hindi pa pinal ang kontrata sa pagitan ng UP, mga ahensyang TRC, ASTI at mga pribadong kumpanyang uupa rito.
.
Samantala, walang nakasaad sa dati nang lease agreement ng ASTI at UP noong 1996 na maaaring magtayo ng TBI sa lupain ng UP.
.
Sa Marso 26, nakatakdang aprubahan ng Board of Regents ang pag-amyenda sa kanilang kontrata upang pahintulutang makapagtayo ng TBI, ayon sa Office of the University Secretary.#



0 comments:
Post a Comment