ni Richard Jacob Dy
.
Pinal na ang tanong na ihahain sa system-wide referendum mula Enero 26 hanggang 31 hinggil sa panuntunan sa pagpili ng Student Regent (SR), matapos ibasura ang mga apela laban dito ng opisina ng SR.
.
Nakatakdang mamili ang mga estudyante kung pabor sila o hindi sa umiiral na Codified Rules for Student Regent Selection (CRSRS) bilang batayan sa pagpili ng SR, na tanging kinatawan ng may 55,000 estudyante sa UP sa Board of Regents (BOR), pinakamataas na lupong tagapagpasiya sa pamantasan.
.
Binuo ang CRSRS ng General Assembly of Student Councils (GASC) noong 1996 upang maging opisyal na panuntunan hinggil sa proseso sa pagkandidato at pagpili ng SR. (Sumangguni sa sidebar.)
.
“These rules shall be amended or repealed through the majority vote of all the student councils in the UP System. Proposals to amend should be submitted to the [office of the SR] not later than the first day of October,” saad sa CRSRS.
.
Ani SR Shahana Abdulwahid, hindi umabot sa itinakdang petsa ang mga inihaing apela ng anim na tagapangulo ng mga student council (SC), 13 SC mula sa Diliman, Visayas at Manila, at ng partidong Nagkakaisang Iskolar para sa Pamantasan at Sambayanan (Kaisa), na nagpasa noong Enero 9 at 13 lamang.
.
Ayon kay Abdulwahid, taunang ibinabasura ng GASC ang mga apelang inihain ng ilang grupong naggigiit na “public appeal”ang kanilang panukalang hindi naman umano dumaan sa konsultasyon sa mga estudyante.
.
Ligal na batayan
Dagdag niya, alinsunod sa batas, taliwas sa kahulugan ng referendum ang apilang pagdaragdag ng mga katanungang mag-aamyeda sa CRSRS. “Referendum is the power of the electorate to approve or reject a legislation,” saad sa memo ni Abdulwahid noong Enero 16.
.
Matuturing umanong initiative ang hiniling ng mga umapela, ani Abdulwahid. Saad niya sa memo, alinsunod sa Initiative and Referendum Act ng bansa, “Initiative is the power of the people to propose amendments to the Constitution or to propose and enact legislations through an election called for a purpose.”
.
Batay sa bagong UP Charter, isang referendum ang dapat na ihahain sa pagratipika ng alituntunin sa pagpili ng SR na magsisilbi ng isang taon sa BOR.
.
Isa sa mga kahalagahan ng SR, ani Airah Cadiogan, ikalawang tagapangulo ng University Student Council (USC), ang paghapag nito sa BOR ng hinaing ng mga estudyante hinggil sa matrikula, laboratory fee, karapatan ng mga organisasyon, at representasyon sa mga komiteng nagtatalakay sa mga isyu nila.
.
Dagdag niya, kumakatawan rin ang SR sa mga sektor ng pamantasang walang representasyon gaya ng mga janitor, guwardiya, jeepney driver at manininda.
.
Pagtutol sa katanungan
Ani Herminio Bagro III, tagapangulo ng USC at kabilang sa mga nag-apela, “The referendum should be maximized in order to promote informed decision from the studentry.”
.
Ngunit ani Cadiogan, mahalaga munang siguruhin ang pagkakaroon ng kinatawan ang mga estudyante sa BOR bago magmungkahi ng mga reporma sa CRSRS, dahil hindi malinaw sa bagong Charter ang kahihinatnan ng opisina ng SR kung sakaling hindi magtagumpay ang referendum.
.
Dagdag niya, maaaring bawiin ng administrasyon ang pahintulot kay Abdulwahid na manatiling pansamantalang SR anumang oras, dahil tapos na ang termino niya noon pang Disyembre.
.
Ani Stephanie Tan, tagapangulo ng Kaisa, iginagalang nila ang desisyon ng SR. Ngunit, aniya, “Students should vote for no, so we can have a more desired outcome, and that is for the [office of the SR] to call for amendments and to call for another GASC.”
.
Tugon sa apela
Kabilang sa kanilang apela ang pagdaragdag ng tanong sa balota hinggil sa pagtatakda ng minimum grade requirement sa mga kakandidato, pagtanggal sa Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral o KASAMA sa UP, na kasalukuyang secretariat ng opisina ng SR, at pagbalik ng iskemang paglalaan ng isang boto sa bawat konseho ng pamantasan tuwing may GASC.
.
Ngunit ani Abdulwahid, hindi pamantayan ang pagiging mahusay sa akademiya sa pagiging magaling na lider-estudyante. Samantala, kininilala lamang umano ng CRSRS ang tulong ng KASAMA sa UP sa pagtaguyod ng opisina ng SR.
.
Nilinaw rin ng rehente na dahil sa iskemang tig-isang boto sa bawat konseho, mawawalan ng boses ang ibang yunit ng UP na kaunti lamang ang mga konseho kaysa Diliman. Dagdag niya, dahil rin sa iskemang tig-isang boto, muntik nang mawalan ng SR noong 2006 nang walang konsehong nais magbigay-daan upang makakalap ng boto upang maging SR ang isang kandidato.
.
Kailangang boto
Samantala, sa naunang pahayag sa Collegian ni Vice President for Legal Affairs Theodore Te, upang maratipika ang CRSRS, kailangang lumahok ang mahigit sa kalahati ng mga estudyante sa UP upang bigyang bisa ang referendum, at ng boto ng pagsang-ayon ng mahigit sa kalahati ng mga lumahok na botante.
.
Habang sinusulat ang balitang ito, wala pa ring posisyon ang opisina ng SR hinggil dito.
.
Samantala, ani Abdulwahid, magsisilbing panimulang badyet para sa referendum ang P60,000 na ibinigay ni UP President Emerlinda Roman mula sa discretionary funds ng pamantasan.
.
Dagdag niya, boluntaryo na lamang at hindi babayaran ang mga estudyanteng magbabantay sa mga presinto at balota sa mga araw ng referendum.
.
Sidebar:
Ano ang Codified Rules for Student Regent Selection (CRSRS)?
.
Naglalaman ang 13-taong dokumentong ito ng mahahalagang probisyon at panuntunan hinggil sa pagpili ng mga estudyante ng kanilang student regent (SR) sa Board of Regents. Ilan dito ang mga sumusunod:
• Nararapat na malayang makapili ang lahat ng mga estudyante sa UP ng SR sa pamamagitan ng isang maayos na proseso na magtitiyak ng malawakang pakikilahok ng mga estudyante.
• Ang nominado sa pagka-SR ay nararapat na naka-enroll sa UP sa oras ng kanyang nominasyon; namalagi o may residency sa pamantasan ng isang taon, kabilang na ang leave of absence; mamamayan ng Pilipinas; at may track record na sumasalamin sa kanyang dedikasyon sa pagsilbi sa mga estudyante.
• Hindi pamantayan sa diskwalipikasyon ng isang nominado ang hindi pagkakaroon ng good academic standing.
• Maaaring magnomina ang sino mang estudyante, grupo o organisasyon mula sa kahit anong kolehiyo o yunit ng UP.
• Pipili ng dalawa ang bawat university student council ng bawat yunit ng UP mula sa listahan ng opisyal na mga nominadong isinumite ng mga college student council.
• Boboto sa pamamagitan ng pagtaas ng kamay o secret balloting ang mga kinatawan ng mga kolehiyo o yunit ng UP na lalahok sa General Assembly of Student Councils (GASC) hanggang tatlo na lamang ang maiwan sa mga nominado.
• Para sa huling nominasyon, dalawang boto ang igagawad sa mga yunit ng UP sa Baguio, Diliman, Los BaƱos, Manila, Visayas at Mindanao, samantalang isang boto ang igagawad sa mga extension ng UP sa Pampanga, Cebu, Tacloban at Leyte.
• Ang nominadong tatanggap ng dalawang-katlong boto ng mga kinatawang dumalo sa GASC ang hihiranging SR.
• Dahil sa pagtatag ng Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral (KASAMA sa UP) sa opisina ng SR, tungkulin nilang tiyakin ang malawakang paglahok ng mga estudyante sa UP sa kanilang mga konsultasyon hinggil sa kasaysayan ng opisina ng SR at proseso ng pagpili ng SR.


